FOREWORD FROM THE AUTHOR

I describe myself as a Muslim Activist, but more on the transformational context. I hate war or any form of violent act done against my person, loved ones, friends and helpless people by those who use their political power for terrorism. I write for peace and I shall always initiate any form of positive transformation in my own social, cultural and political milieu.

Ako po ay isang manunulat ng katotohanan at kapayapaan. Hangad ko po na maiugnay ang aking diwa sa positibong pamamaraan. Lahat po ng artikulong nababasa ninyo dito sa aking blog ay mga orihinal kong katha at ipinagbabawal ko ang pagkopya at paggamit ng mga ito ng walang PERMISO mula sa akin. ALL RIGHTS RESERVED.

PAUNAWA: Lahat ng patalastas (advertisements) na nakasaad sa blog na ito ay mula sa Googles.

Popular Posts

Thursday, March 26, 2009

Katabaan= kahihiyan?



Bakit kaya karamihan sa mga kababaihan ay halos hindi makatulog at makakain magmukhang kaakit-akit lamang? Gustong laging parang gitara ang hubog ng katawan. Mahirap makamtan ang ganitong ganda ng katawan kapag ikaw ay isang ina at halos lahat ng oras mo sa buhay mo ay naka-sentro sa mga anak mo at asawa. Maliban na lamang kapag ikaw ay isang misis na may kaya at walang problema sa pagiging pamilyada. Madaling maging maganda kapag ang isang tao ay masalapi.

Ang lugmok sa kahirapan ay mga babaeng may-asawa nguni't sila ay hikahos sa buhay. Walang salapi para sa pagkain at lalong-lalu na para sa layaw ng katawan.

Tama na hindi mo dapat ipagwalang-bahala ang iyong kaanyuan dahil tiyak na "mambababae" si mister. Ito ang madalas mong marinig sa mga kababaihan na tulad mo. Pero may mali sa ganitong pananaw. Para bang iisang anggulo lamang ang pagsasama ng mag-asawa. Kailangan ng isang malalim na pagsusuri rito.

Huwag ka sana malulungkot misis, nagsasabi lamang po ako ng totoo. Bago po kayo mawalan ng katinuan, huminto ka muna sa iyong ginagawa at tayo po ay mag-usap.

Heto po ang katotohanan.

Ang pag-aasawa po ay isang pangako sa pagitan ng mag-asawa at sa Diyos upang maprotektahan ang kabanalan ng pamilya. Subali't dahil nga sa likas sa tao ang pagiging mahina, karamihan sa mga kalalakihan ay sumusuko sa temptasyon ng laman.

Ito ay marahil na rin sa kakulangan ng pananampalataya sa Diyos at sa pagnanasa ng bagong kasiping kahit na ito ay mali.

Napakaraming mga kababaihan ngayon ay nagbebenta ng laman kapalit ng maliit na halaga mairaos lamang ang kani-kanilang pamilya. Para bang ang bentahan ng laman ay parang bentahan ng karne sa palengke. Maruming paraan ng paghahanap-buhay. Kapalit nito ay karangalan.

Ano ang aking punto? Na ang mga kalalakihan ay likas na mahina sa tukso.Mapaghanap ng sariwa at batang kasiping na ayon sa mga pananaliksik ay dagdag sa kanilang konsepto ng pagiging "macho". Salungat nga naman sa pagiging "machonurin".

Nakakatawa lamang dahil kung sila ay mapaghanap ng wala sa asawa ay hindi naman nila nakikita ang wala sa kanila. Iyan ng tinatawag na "double standard of morality"--laging may pang-unawa ang lipunan sa mga lalaking babaero subali't pang-aalipusta naman sa mga babaeng nagkasala sa mata ng tao.

Huwag nating idamay ang katarungan ng Diyos dahil ang nagkasala at kasalanan sa pang-huhusga ng poong maykapal ay patas at walang kinikilingan.

Eh ano kung mataba ka? Dapat mo bang ikahiya? Bago mo isiping magpa-lipo o gawing mala-gitara ang hugis ng iyong katawan, isaalang-alang mo muna ang gastusin ng iyong pamilya.

Kinakailangan bang lagi kang seksi para tanggapin ka ng iyong kabiyak ng buong puso? Totoo ba ang pagmamahal na dumedepende sa hugis ng katawan?

Hanggang kelan mo kailangang maging seksi sa harap ng asawa mo at mahalin ka maging sino ka man?

Suriin mong mabuti ang situwasyon. Maaaring problema sa iyo ang hugis ng iyong katawan dahil sa takot mong bigla kang iwanan ng iyong kabiyak o ipagpalit ka sa iba na mas maganda at kaakit-akit. Hanggang kelan ka matatakot?

Nasisigurado mo bang kapag seksi ka na ay sa iyo pa rin ang kanyang atensiyon?

Maaaring makatulong ng panadalian subali't ang pang-matagalan na katotohanan ang dapat mong bigyan ng pansin.

Hanggang kelan mo pasarapin ang mata ng iyong asawa masigurado lang na hawak mo siya? Mahal ka kaya niyang talaga?

Kung mahal ka ng iyong asawa, mamahalin ka niya maging sino ka man.Kung dapat kang magpaganda, gawin mo iyon para sa sarili mo at hindi para kaninoman.

Kung lagi kang manlilimos ng atensiyon gamit ang iyong kagandahan panlabas, tiyak na ikaw ay masasaktan dahil walang siyensiya na kayang patigilin ang pagtanda at pagbabagong anyo ng kahit sino. Maaari kang pabatain ng siyensiya ng sampung taon sa kasalukuyan mong edad, subali't hindi mo maiiwasan na ang buhay mo ay may hangganan.

Ang nais ko lang ihabilin sa iyo kaibigan ko, suriin mo ang katotohanan at harapin ito ng buong tapang. Huwag magtago sa pagpapaganda ng panlabas na anyo. Harapin ang sarili mo, at ang mga taong nagsasabing mahal ka. Dapat mong tiyakin na ikaw ay hindi nanlilimos ng pagmamahal upang maging buo lamang.

Maging buo ka sa sarili mo, maging sino ka man.



2 comments:

dodod said...

ayos to.
kakailang nga naman sa lalaki na tanggap na ang babae na mataba siya pero ang problema kung di tanggap sa babae ang kanyang "hugis" dahil sa mga maraming rason.. >.<

PRINCESS MALEIHA B. CANDAO said...

Tama ka dodod....nasa pagmamahal iyan at wala sa hugis ng katawan. :)