Maria Makiling
Marami sa atin ang naniniwala sa mga diwata. Isang pamana mula sa mga matatanda na nagsisilbing gabay upang itama ang isang mali.
Ang paglalahad na tumutukoy sa mga diwata, tulad ng Alamat ni Maria Makiling ay isang uri ng pananalamin upang hikayatin ang pagsusuri sa kalooban ng bawa't mamayan.
Ayon sa alamat, si Maria Makiling ay isang lambana na naninirahan sa bundok ng Makiling sa Laguna, dito sa Pilipinas. Si Makiling ang pinakatanyag na diwata sa kasaysayan ng mga alamat sa Pilipinas.
Bukod dito, may mga nakasaad din sa mga alamat na may diwata na nangangalang Maria Sinukuan na natatagpuan sa bundok ng Arayat sa Pampanga at si Maria Cacao na mula naman sa bundok Lantoy sa Cebu.
Si Maria Makiling ang bantay ng bundok Makiling upang protektahan ang mga natural na yaman nito. Siya ay kalaban ng mga tao na kinakamkam ang kalikasan upang yumaman mula rito. Galit siya sa mga taong walang awang pinuputol ang mga kakahuyan sa kagubatan at nilalapastangan ang yaman ng kalikasan upang magkamal ng limpak-limpak na salapi.
Maraming ginawang mga pelikula ukol sa alamat ni Maria Makiling at halos lahat ng mga ito ay nag-iwan ng mahahalagang aral: pangalagaan at pagyamanin ang kalikasan. Si Maria Makiling ay isang simbolo ng kunsensiya ng mamayang Pilipino upang ipaalalala sa sambayanan ang halaga ng kalikasan.
Subali't habang lumalawak ang kaalaman ng tao, ang alamat ni Maria Makiling ay tila nawawala na sa diwa ng mga Pilipino.
Marahil na rin ito sa dalawang dahilan: kahirapan at pagiging gahaman. Ang dalawang situwasyon ay nagpapababa sa antas ng pagkatao ng karamihan sa atin.
Ang nasabing kamalian ay laganap kahit saan at patuloy na magaganap kapag walang pagbabago sa kalooban ng mga ganid at halang ang kaluluwa.
Marahil ay kailangang magparamdam muli si Maria Makiling, isang kunsensiya ng kabutihan at pagtutuwid sa baluktot na pamamaraan ng karamihan sa atin.
Ikaw kaibigan, kilala mo ba si Maria Makiling? Minsan ay nasa paligid mo lang siya. Minsan ay nasa tabi mo. Pero madalas ay naninirahan siya sa puso ng bawa't tao upang gisingin ang mga diwang tulog dahil sa kasamaan.
Comments
Nasasaiyo ang pagpili. Lahat ng blog ko ay nag-uugnay sa lahat ng aking mga kaibigan at isa ka na dito. Salamat sa iyong inspirasyon. :)
tunay ngang mahiwaga si mariang makiling. sa katunayan, may isinusulat akong artikulo tungkol sa kanya. mabuhay ka!
Hello. Salamat sa iyong pagdalaw.
Lambana, hindi labana, na ang ibig sabihin sa wikang kanluran ay "fairy".
Matagumpay nawa ang iyong katha. :)