Ano Ang "Collateral Damage"?





Narinig mo na ba ang mga salitang ito-Collateral Damage? Madalas ito ang dahilan ng mga militar kapag may malawak na digmaan na nagaganap at maraming buhay ng inosenteng sibilyan ang nadadamay.


Ayon sa United States Department of Defense, ang "collateral damage" ay ang pagkasira ng mga bagay o pagkawala ng mga buhay ng tao na nadamay dahil sa isang digmaan. Ito raw ay hindi maituturing na hindi makatarungan.

Bakit? Sapagka't ang mga buhay na nawala ay hindi inaasahan at hindi kasama sa adhikain ng digmaan laban sa mga itinuturing nilang kaaway.

Malabo at nakalilito. Ang buhay ng isang tao ay hindi puwedeng ipagkibit balikat lamang dahil tanging Diyos lang ang may karapatan dito. Hindi kapwa niya tao at lalong-lalo na hindi dapat kitlin dahil sa isang digmaan.

Hindi ko maiwasan na isipin na hindi kaya ang mga terminolohiyang ito--collateral damage--ay sadyang pinanday upang may magagamit na depensa kapag maraming buhay ang nawala dahil sa digmaan?

Napakaraming paraan upang maiwasan ng isang umaatakeng bansa na siguraduhin na hindi madadamay ang mga sibilyan na naiipit sa isang digmaan. Subali't alam nating lahat na maraming kaso ng pagpatay tuwing digmaan ay damay ang mga walang kasalanan at madalas ay sila pa ang unang sinasaktan. Walang puno ng ano mang ahensiya ng isang bansa ang aamin na ito ay nagaganap sapagka't ito ay paglabag sa karapatang pantao ng mga sibilyan.

Maipapaliwanag mo ba sa isang ina na namatayan ng anak ang salitang collateral damage? Masasawata ba nito ang poot at sakit sa kanyang dibdib? Paano mo kumbinsihin ang isang magulang na tanggapin ang ganitong paliwanag kung buong buhay at kaluluwa niya ay ipinagkaloob niya sa buhay mula sa kanyang sinapupunan?

Kapag sa iyo ba ito nangyari, madali ba para sa iyo na tanggapin na ang isang mahal sa buhay ay bahagi ng isang collateral damage?

Ang kaganapan sa Israel at Palestine ay huwag tingnan sa isang anggulo lamang. Himayin ang lahat ng detalye at huwag magpadala sa anti-Palestine websites at mga news agencies na puro Israel ang kinikilingan. Hindi ito nag-uugat lamang sa relihiyon, sapagka't ito ay maraming makikitid na kaganapan.

Tandaan mo kaibigan, kung ikaw ay magsusulat, huwag kang makuntento sa iisang detalye lamang. Alamin mo ang lahat dahil kapag ikaw ay nasa labas ng digmaan, o sa madaling salita ay nakatayo ka sa isang "neutral ground", dapat ang isip at kaalaman mo ay hindi base lamang sa sinasabi at kaalaman ng isang grupo na may layunin na ilabas lamang ang bahaging pili at may kinikilingan.

Laging dalawa ang bahagi ng isang kwento: ang nagsasaad at ang katotohanan.

Comments

sis meaningful post. I still believe that above any law, human rights should be protected and we are all have the right to live. I hope people involved in this war would realize this.
Salamat. Mahirap pag-usapang ang karapatang pantao kapag digmaan na ang sangkot. Lahat ng partido na sangkot sa marahas na hakbang ay gagamitin ang salitang "collateral damage"--isang salita na madaling sabihin pero napakahirap tanggapin.

Popular posts from this blog

Maria Makiling

Nasaan na si Pedro Penduko?

Ano ba ang Ginakit?