Kababalaghan
Naniniwala po ba kayo sa kababalaghan? Totoo kaya ito o bahagi lamang ng malikot na imahinasyon ng mga manunulat sa komiks o sa mga nakatatakot na palabas sa telebisyon. Maaaring salungat ang isasagot ko sa iyong inaasahan.
Maaaring ang aking opinyon ay tugma sa mga nababasa mo sa komiks, libro o pahayagan at napapanood sa telebisyon. Opo, ako ay naniniwala sa kababalaghan.
Marami po kasing mga kababalaghan dito sa mundo na mahirap ipaliwanag ng siyensiya. May mga kuwentong kathang-isip lamang, meron naman totoo. Ito ay nagpapakita na bukod sa ating mga tao na nilikha ng Diyos, ay meron ding mga nilalang na sadyang nilikha upang subukan ang tatag ng ating pananampalataya.
Sa relihiyon na Islam ay kinikilala nito ang mga nilalang na tinatawag na "Jinn".
Sadyang nilikha sila ni Allah na parang mga tao rin. Meron silang pamilya at nagkakagusto rin sila sa mga tao. Subali't sila ay nilikha mula sa apoy kaya karamihan sa kanila ay mapusok at laging may nagagawang mali sa pamantasan ng Islam.
Ang mga Jinn ay may kapangyarihan na mag-anyong hayop o tao depende sa kanilang kagustuhan. Layon ng karamihan sa kanila ay linlangin ang mga totoong nananampalataya sa Islam upang papaniwalain na may higit pang makapangyarihan kesa kay Allah.
Noong panahon ni Propeta Mohammad, ay marami ding "Jinn" na napalibot sa kanya. Subali't lahat ng mga ito ay nagawa niyang gawing Muslim.
Kung palalawakin ko po ang usaping ito, ay pag-aralan nating suriin na ang bawa't isa po sa atin ay may kabutihan at kasamaan na pinagsanib sa ating bawa't pagkatao.
Kahit ano pa man ang iyong relihiyon ay may posibilidad na mangibabaw ang pagiging masama sa ating pag-iisip at mga kilos.
Natatandaan mo ba ang teorya ni Sigmund Freud, tungkol sa id, ego at superego ng bawa't isa sa atin na naglalaban sa ating mga pagkatao? Ayon kay Freud ay likas na makasarili ang "id" nguni't dahil kay "super ego" ay nagagawa nitong maisaayos ang buong pagkatao ng isang nilalang. Binabalanse ng super-ego ang mga maling pag-iisip o pagnanasa na hindi tama.
Isipin mo na lamang na ang "kababalaghan" ay nagaganap sa araw-araw subali't dahil sa iyong taimtim na pananalampalataya sa Diyos, maging ano man ang iyong relihiyon, ay matagumpay mo itong nahaharap at napipigilan.
Maging makatao, maka-Diyos at mapagkumbaba. Iyan ang mga kalaban ng kasamaan.
Comments