Ang Pangil Sa Lumang Diyaryo

ni Bai Maleiha B. Candao







Nakilala ni Janet si Efren dahil sa isang kaibigan sa kolehiyo. Mabait na tao si Efren kaya madaling nahulog ang kalooban ni Janet dito. Hindi nagtagal ay naging malalim ang kanilang pagsasama hanggang sa nagyaya ng kasal si Efren. Dahil nga sa mahal na ito ni Janet ay hindi nagdalawang-salita ang lalaki.

May kaya ang mga magulang ni Efren sa probinsiya. Nagpasiya ang mag-asawa na doon na manirahan dahil mahirap ang buhay sa lungsod. Sa probinsiya ay tiyak na kaya nilang pagyamanin ni Efren ang naiwan na kabuhayan ng mga magulang nito.

Subali't salungat ang mga pananaw ng mga kaibigan ni Janet lalu't lalo na ang mga magulang nito. May hiwaga raw na bumabalot sa pagkatao ni Efren. Tahimik ito at madalas ay biglang nawawala tuwing pagsapit ng gabi. Eto ang naging obserbasyon ng mga kasamahan nito na kasamang nanirahan ni Efren sa Maynila sa isang dormitoryo.

Bagama't may kaya ang mga magulang ni Efren ay pinili pa rin nitong mamuhay ng simple at hindi angat sa iba. Pala-kaibigan kahit misteryoso.

Hindi pinakinggan ni Janet ang mga sinabi ng kanyang mga kaanak at mga kaibigan. Wala siyang kakaibang napupuna kay Efren liban na lamang sa lubos na pagmamahal nito sa kanya.

Malaki nguni't luma na ang mala-palasyong bahay ng mga magulang ni Efren. Halatang mayaman sila dahil lahat ng kanilang mga muwebles ay antigo, ito ang pumasok sa isip ni Janet. Marahil , aniya, tiyak na milyones ang minana ni Efren mula sa kanila.

Maraming katulong ang dinatnan nila Janet ng sila ay dumating mula sa Maynila. Maasikaso ang mga ito subali't napakatahimik nila. Hindi sila katulad ng ibang mga naninilbihan sa mga mayayamang pamilya na mausisa at minamatyagan ang lahat ng kilos ng mga amo nito. Marahil ay dahil sa ang mga ito ay mga malalayong kamag-anak ni Efren.

May oras ang pagkain nila dahil madalas ay nawawala ang mga katulong pagsapit ng alas-siyete ng gabi. Hindi na nag-usisa si Janet kay Efren dahil ayaw niyang maisip ng kanyang asawa na may iniisip siyang masama ukol rito. Wala naman siyang problema sa umaga dahil lahat sila ay naroroon upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Maliban na lamang pag sumapit na ang nasabing oras dahil mag-isang inaaruga ni Janet sa Efren.

Madalas ang mga kaganapan na iyon. Patuloy na namuhay ng maayos sila Efren at Janet sa probinsiya ng mariwasa dahil sapat ang salapi na minana ni Efren upang ipagpatuloy na lamang ang pamamalakad sa naiwang hacienda ng kanyang ama at ina at hindi na niya kailangan pang mamasukan upang kumita.

Isang araw ay nagpaalam si Efren upang maglakbay sa kalapit-probinsiya upang dalawin raw ang puntod ng mga magulang nito. Gustong sumama ni Janet subali't siya ay nagdadalang-tao at hindi makabubuti sa kanya at sa kanyang dinadala ang mahabang biyahe. Sumang-ayon siya nguni't nabanggit niya sa kanyang asawa na wala siyang makakasama sa malaking bahay na yaon kapag sumapit na ang alas-siyete dahil nawawala na ang mga katulong.

Sa halip na mag-alala ay tumawa lamang si Efren. "Huwag kang mabahala mahal ko, nasa paligid lamang sila".

Hindi malinaw kay Janet ang tinuran ni Efren. Subali't hindi na niya nagawa pang mag-usisa dahil nagmamadaling umalis ang kanyang asawa.

"Gaano ka katagal na mawala, Efren?...Efren, efren..!

Ang bilis nakaalis ni Efren. Hindi na nagawang habulin ni Janet dahil sa napakataas ng hagdanan na nagdurugtong sa kanilang kuwarto at sa may ibaba ng kabahayan.

Akala ni Janet ay may pagkakataon na siyang lumabas upang makilala ang mga kapitbahay subali't mukhang lantarang siyang iniiwasan ng mga ito. Banaag sa kanilang mga mukha ang takot at tila kahit sulyap sa kanilang pamamahay ng mga nagdaraan sa kalye ay hindi magawa ng mga ito.

Maraming tanong sa kanyang kaisipan na kailangan niyang bigyan ng kasagutan. Sinimulan niya ang pagmamasid.

Kakaiba ang amoy ng simoy ng hangin paakyat sa kanyang kuwarto. Tila mga naagnas na balat ng isang hayop na hindi niya mawari kung ano. Subali't kapag siya ay tumungin sa hardin ay pawang mga magagandang mga bulaklak ang bumabalot sa kanyang paningin. Sa tagpong iyon ay hindi namalayan ni Janet na siya ay nakatulog.

Nagising siya at madilim na ang kanyang kuwarto. Tinignan niya ang orasan at limang minuto na ang lumipas ng tumunog ang orasan sa kabayahan tuwing alas-siyete na ng gabi. Nakahanda na ang mga pagkain sa mesa at halos lahat ng kanyang kailangan ay naroroon na sa hapag-kainan.

Katulad ng kanyang inaasahan ay wala na ang mga nagsisisilbi.

Hindi makatulog si Janet. Para siyang kinikilabutan. Hindi niya ito pinansin dahil may naaninag siyang lumang diyaryo na nakaipit sa isang libro malapit sa kanyang kama. Mukhang sadyang inilapag iyon sa kanyang tabi. Wala naman iyon doon bago siya nakatulog.

Binasa ni Janet ang nakasaad sa diyaryo.

Nagmadaling nag-impake si Janet dahil kinakailangang makaalis siya sa pamamahay na yaon bago dumating ang mga katulong kinabukasan. Natitiyak ni Janet na matatagalan pa si Efren kaya kailangan na niyang kumilos.

Nakarating si Janet sa Maynila at tumuloy agad ito sa bahay ng kanyang mga magulang. Halos hindi na niya kayang magsalita dahil sa takot. Nagkulong ito sa kuwarto at tahimik niyang iniyakan ang biglaang desisyon na iwan si Efren.

Samantala, sa bahay ni Upe, ang isa sa mga katulong nila Efren na kasamang nawawala tuwing alas-siyete ng gabi ay lihim na nagdiwang. Alam niya na kinailangan na niyang gawin iyon upang mailigtas si Janet at pati na ang kanyang magiging anak.

Si Upe ang nag-iwan ng diyaryo sa tabi ng kama ni Janet. Nais na sana niyang gawin iyon sa unang araw pa lamang ng kanilang pagkikita ni Janet subali't alam niyang siya ay hahandlangan ni Efren.

Si Upe ay naging isang bampira dahil sa pamilya ni Efren. Tuwing alas-siyete ng gabi ay nawawala silang lahat dahil sa kanilang pagbabagong anyo. Alam ito ng mga kanayon nila subali't takot ang mga ito magsalita dahil buhay nila ang kapalit.

Marahil, sa isip ni Upe, ay wala na roon si Janet. Kailangan niyang iligtas ang kanyang sarili bago siya tuluyang maging tulad nila. Si Upe ang inatasan ni Efren na ihalo ang isang likido sa inumin ni Janet upang tuluyan itong maging tulad ni Efren. Subali't hindi ito ginawa ni Upe. Lihim nitong pinalitan ang kanyang pinapainom kay Janet.

Ang likidong iyon ang tanging daan upang maging bampira si Janet. Hindi niya ito makukuha sa pamamagitan ng pagpapakasal kay Efren dahil maging si Efren ay hindi naging bampira dahil namana niya ito. Subali't panata ng pamilya ni Efren na ang likidong yaon ang instrumento upang maging ganap na bampira ang bawa't miyembro ng kanilang angkan. Ito ay isang panata ng kanilang pamilya kapalit ng salapi at kapangyarihan na kanilang tinatamasa mula sa hari ng kadiliman.

Ang likidong iyon ang iniinom ng bawa't miyembro ng pamilya ni Efren upang maging ganap ang kanilang panata.

Namatay ang mga magulang ni Efren dahil sa kagagawan ng kanyang ina. Nagpakamatay ito matapos niyang patayin ang ama ni Efren upang pigilan ang pagkalat ng kasamaan.

Sa Maynila ay umiiyak pa rin si Janet. Hindi niya alam paano niya umpisahan ang pagtatapat sa mga magulang. Nabasa niya lahat sa lumang diyaryo na iniwan ni Upe ang mga sagot sa misteryo sa buhay ng kanyang asawa.

Nguni't kailangan niyang ipagtapat sa mga magulang ang katotohanan. Sila na lamang ang natitirang lakas ni Janet upang labanan ang kadiliman. Sa tulong ng kanyang pananampalataya sa Diyos ay tiyak na kaya niyang harapin ang nasa dako pa roon.


Comments

jhena_♥♥♥ said…
mganda po ung stories..pero endi ko po magets ung tungkol sa mga katulong...laht po ba ng mg katulong dun bampira?at if ganun nga po?bakit sa umaga sila nakikita then sa 7pm ala n cla?d po b? ang mga vampires takot sa umga?dahil msusunog cla? wag po kaung magalit s mga tnung ko..curious lng po ako...gzto ko rin po kase mgpozt ng mga horror eh..
xaka..dagdagn u p po ung mga horror stories nio!!babasahin ko po un!!!
jhena_♥♥♥ said…
uu nga po pl...anu po ung nkasulat sa jaryo???
Hello Jhena,

Salamat sa pagdalaw mo sa blog ko. Ang kuwento kong ito ay kakaiba sapagka't ang mga katulong nila Efren ay hindi tulad ng mga nakasanayan na nating kuwento sa mga komiks at sine na sila ay tulog pag umaga at gising pag gabi.

Ang mga bampira sa kuwento ay nagiging bampira lamang kapag alas-siyete ng gabi dahil sa iniinom nilang likido. Sa umaga ay malaya silang gumalaw na tulad ng karaniwang tao.

Ang likidong iyon ay mula sa mga ninuno nila Efren. Kaya napadamay ang mga katulong na iyon ay dahil hindi lamang sila mga katulong, kadugo rin sila ni Efren.

Ang nakasulat sa diyaryo ay ang tunay na pangyayari tungkol sa mga magulang ni Efren. Ito ay naglalahad kung paano pinatay ng nanay ni Efren ang ama ni Efren para mapigilan ang pagkalat ng panata sa kanilang henerasyon.

Subali't hindi siya nagtagumpay dahil si Efren ay napabilang na rin sa panata ng pamilya.

Popular posts from this blog

Maria Makiling

Nasaan na si Pedro Penduko?

Mga Sultans Ng Maguindanao (1515 to present)